CENTRAL MINDANAO – Tatlong bangkay ang narekober ng mga otoridad sa grupo ng isang kulto sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga bangkay na sina Leonardo Lauron Capillan, 61, namatay noong Enero 31; Bernardo Provida Capillan (anak ni Leonardo), 32, namatay noong Pebrero 1, at Ailyn Magali, 18, dalaga at namatay noong Pebrero 6, pawang mga residente ng Barangay Libertad, Arakan, North Cotabato.
Ang kulto ay pinamumunuan ng isang Nicholas Canonigo alyas Kolas at ang kanyang anak na si Joana Lou Canonigo.
Naniniwala ang grupo na sila ay maliligtas sa pagtira sa gitna ng bundok at malayo umano sa problema.
Kain, tulog at dasal lamang daw ang ginagawa ng mga myembro ng kulto.
Naniniwala rin sila na hindi maililigtas ang isang indibidwal kung ililibing siya pagkatapos nitong mamatay.
Sasanib umano kay Joana Lou Canonigo si Santa Maria at mabubuhay ang mga bangkay.
Una nang nagpaabot ng reklamo ang pamilya ng tatlong bangkay dahil nangangamoy at ang iba ay naaagnas na.
Tutol umano ang mag-amang Canonigo na kunin ang bangkay at ilibing.
Nagsagawa naman ng negosasyon ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Arakan sa pangunguna ni Mayor Rene Rubino, pulisya at militar na lisanin na ng grupo ni Canonigo ang lugar kung saan sila nagtitipon.
Kusang umuwi na rin ang mga miyembro umano ng kulto sa kanilang mga tahanan na dumalo sa isang ritwal.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang mag-amang Canonigo ng mga otoridad kung may pananagutan ba sila sa batas.