-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Tatlong naaagnas na bangkay ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) natagpuan ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga napatay na sina Abdul Dinas, Mosani Lomen at Pendih Sanggutin, mga tauhan ni Kumander Salahudin Hassan ng Dawlah Islamiyah-BIFF.

Ayon kay 601st Brigade commander Col. Jose Narcisona, natagpuan ang bangkay ng tatlong BIFF members ng Joint Task Force Central sa hangganan ng Datu Hoffer at Ampatuan, Maguindanao.

Napatay ang mga rebelde sa inilunsad na air to ground assault ng militar sa bulubunduking bahagi ng magkatabing bayan sa Maguindanao.

Kinumpirma naman ito ng mga lokal opisyal sa Ampatuan na si Dinas pamangkin ni Kumander Salahudin Hassan na kanang kamay ni Shiekh Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife.

Umaabot na sa 21 ang napatay sa BIFF at apat sa militar sa on and off focus military operation sa Maguindanao.

Maraming mga improvised explosive device (IED), mga armas, mga bala, mga kagamitan sa paggawa ng bomba ang narekober sa kuta ng mga terorista na nakubkob ng militar.

Hanggang ngayon ay patuloy ang paglobo ng mga lumikas na pamilya na apektado ng operasyon ng Joint Task Force Central laban sa BIFF sa Maguindanao.