Tatlong bangkay ang narekober ng militar matapos sumiklab ang panibagong enkwentro sa probinsiya ng Sulu ngayong araw.
Isa sa tatlong bangkay ay mukha umanong dayuhan, kung saan nagpapatuloy naman daw ang isinasagawang verification patungkol sa pagkakakilanlan nito.
Ayon kay AFP chief of staff General Carlito Galvez, nagpapatuloy ang operasyon ng militar sa Sulu para mailigtas ang bihag na hawak ngayon ng bandidong grupong Abu Sayyaf group (ASG).
Sinabi ni Galvez na batay sa natatanggap nilang ulat ay buhay pa ang dalawang pulis na hawak pa ng ASG.
Giit nito, mayroon naman silang hawak na proof of life ng dalawang bihag na pulis.
Kanya ring sinabi na dahil sa patuloy nilang operasyon ay napipilay na raw ang pwersa ng ASG.
Kahapon, nagkaroon din ng bakbakan sa Sulu na tumagal ng kalahating oras at nagresulta sa pagkakasawi ng nasa 10 hindi pa nakikilang ASG members at dalawang sundalo.
Sa ngayon, nasa 12 bihag pa ang hawak ng ASG na target i-rescue ng militar.
Posibleng miyembro naman daw ng ISIS ang nasabing foreign looking individual na napatay sa bakbakan.
Inihayag ni Galvez na wala nang presensiya ngayon ng mga Jemaah Islamiyah terrorist sa Sulu dahil matagal na itong binuwag.
Sa ngayon kung mayroon mang presensiya ng banyagang terorista sa Sulu posibleng miyembro ito ng ISIS.
Kinumpirma din ni Galvez na ang grupo ni ASG sub-leader Habib Sawadjaan ay nagpahayag ng alyansa sa teroristang ISIS.
Naniniwala si Galvez na kabilang sa tatlong nasawi na terorista ay ang anak ni Sawadjaan.