Arestado ng mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) ang tatlong banyaga na sangkot umano sa mga kaso ng kidnapping for ransom.
Kinilala ni PNP AKG Spokesperson Lt.Col. Elmer Cereno ang naarestong Indian na si Mandeep Singh aka Deepy Sindhu.
Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest sa kasong KFR sa Candoni, Negros Oriental kung saan siya namalagi simula noong 2016.
Miyembro umano ang suspek sa Goldie Kidnapping Group na sangkot sa kidnapping ng mga Kapwa Indian Nationals sa Metro Manila at karatig lalawigan simula 2005 hanggang 2017.
Pinakahuling biktima ng grupo si Anial Kumar Sohal ng Binan, Laguna na nagbayad ng P935,000 na ransom noong 2017.
Mariin naman itinanggi ni Singh ang akusasyon sa kaniya dahil hindi umano ito kasama sa grupo ng mga kidnappers, bagamat kilala nito si Goldie.
Samantalang, dalawang Chinese nationals naman ang naaresto na nakilalang sina Zhangpeng Xiong 32-anyos at Tien Fu Zhao 34-anyos sa isinagawang operasyonsa Pasay City.
Inireklamo ang dalawa ng isang Malaysian National na Casino player na ikinulong ng mga suspek hangga’t hindi nakapagbayad ng 10, 000 RMB.
Modus ng mga ito na mag imbita ng mga Casino Players mula sa ibang bansa.
Ngunit kapag hindi makapagbayad ng utang dahil talo sa Casino ay dinudukot ang mga ito at tinatawagan ang mga kamag anak sa abroad upang sila ay tubusin kapalit ng malaking halaga ng pera.