BOMBO DAGUPAN- Nakikitaan ang tatlong barangay sa tatlong bayan sa Pangasinan bilang posibleng ‘Hotspots’ sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay PCol. Jeff Fanged, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office , ang tatlong barangay ay may record na ng karahasan sa pulitika noong mga nakaraang taon partikular na noong taong 2018 kung kaya’t itinuturing itong posibleng maging ‘hotspot’.
Sinabi ni Fanged na ang tatlong barangay ay matatagpuan sa mga bayan ng Asingan kung saan binaril ang isang kapitan ng barangay at nakaligtas, at sa dalawa pang hindi pinangalanang bayan.
Ipinaliwanag niya na kapag itinuturing na ‘hotspot’ ang isang barangay, ang pag-deploy ng mga pulis sa intelligence monitoring ay prayoridad sa lugar.
Giit naman nito, kaya pa rin kontrolin ang situwasyon hanggang sa darating na halalan ngunit kung talagang kinakailangan, hihilingin ng kanilang ahensya ang karagdagang puwersa mula sa region 1.
Samantala, nakapag-kompiska naman ang kanilang hanay ng isang kalibre 22 loose firearm sa bayan Mangaldan kaugnay sa 24/7 na isinasagawang checkpoints.