-- Advertisements --

MANILA – Simula alas-12:00 ng hatinggabi mamaya, January 25, ay isasailalim na sa mala-enhanced community quarantine (ECQ) na lockdown ang tatlong barangay sa Bontoc, Mountain Province.

Ito ang inanunsyo ng lokal na pamahalaan matapos makapagtala ang bayan ng mga kaso ng COVID-19 UK variant.

Sa ilalim ng Executive Order No. 8 na pinirmahan ni Mayor Franklin Odsey, hanggang January 31 ipapatupad ang mahigpit na lockdown sa mga Barangay ng Bontoc Ili, Caluttit, at Poblacion.

Kabilang sa specific guidelines ng kautusan ang mandatoryong pagsusuot ng face mask at face shield ngmga residente; isang metrong distansya; paghuhugas ng kamay; at pagbabawal na dumura.

Limitado naman sa pagbili ng “essential goods” ang paglabas ng mga residente sa kanilang bahay, na dapat ay may isang miyembro lang ng pamilya na lalabas.

Ipinagbabawal ang paglabas ng mga menor de edad na 15-anyos pababa, at mga senior citizen na 65-years old pataas. Pati na ang mga may ibang sakit, at buntis.

Magpapatupad din ang lokal na pamahalaan ng liquor ban at curfew mula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.

Ayon pa sa EO, bawal din muna ang social gatherings tulad ng misa, kasal; operasyon ng public tricycle at transportation sa central barangays; van for hire ng mga turista; at dine-in sa restaurants.

Ipinatitigil naman ng pansamantala ang mga barbershop, salons, hotel accommodation, at iba pang leisure activities.

JUST IN: BARANGAYS BONTOC ILI, CALUTTIT AND POBLACION ON ECQ-LIKE LOCKDOWN Bontoc Mayor Franklin C. Odsey issued…

Posted by Municipality of Bontoc on Saturday, January 23, 2021

Sa kabila ng lockdown, papayagan daw ang full capacity operation ng government offices at mga negosyon basta’t nakasunod sa health protocols.

Gayundin ang mga ospital at iba pang health services; mga magsasaka, mangingisda; mga establisyementong nagbibigay serbisyo sa pagkain tulad ng palengke, supermarket at groceries; medical supplies; at laundry shops.

Papayagan din mag-operate ang media, veterinary clinics, energy at power companies, water supply and servicies; mga kawani ng simbahan; bangko at iba pang money transfer establishments.

Nitong araw sinabi ni Mayor Odsey na magde-deploy sila ng karagdagang contact tracers para matukoy ang nakasalamuha ng 12 UK variant cases ng bayan.

“It is progressing and increasing kaya darating additional contact tracers sent by DOH-CAR at dadating ngayong araw na magko-conduct ng community testing ‘yata ang purpose nila,” ani Odsey sa panayam ng DZBB.