-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Idineklara kamakailan ng Western Visayas Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing ang lahat ng tatlong barangay sa isla ng Boracay matapos ang isinagawang deliberasyon at balidasyon.

Ayon kay Shey Tanaleon, tagapagsalita ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-6, ang mga barangay ng Manocmanoc at Balabag ang pinakahuling nadagdag sa talaan ng mga drug-free barangays sa Aklan.

Noong Pebrero 17 ay nauna nang nadeklarang drug free ang Barangay Yapak.

Dahil dito, lahat na 17 barangay ng lokal na pamahalaan ng Malay na kinabibilangan ng tatlo sa Boracay at 14 sa mainland Malay ay hindi na apektado ng iligal na droga.

Dahil hindi aniya permanente ang naturang status, hinamon ng PDEA ang LGU-Malay at mga opisyal ng barangay na maging alerto upang walang makakalusot na panibagong drug personality sa lugar lalo na sa Boracay.

Nabatid na noong Enero 22, nakipagpulong si PDEA director general Wilkins Villanueva kay Malay acting mayor Frolibar Bautista at Barangay Drug Clearing Program, at tinalakay ang pagkakaroon ng drug-free tourist destination at iba pang isyu kaugnay sa droga.