Nanawagan ngayon si Canlaon City Mayor Batchuk Cardenas sa mga barangay na lubhang naapektuhan ng pagputok ng bulkang Kanlaon na ibenta na lamang ang mga alagang hayop ng mga ito na posible pang magkasakit na maging dahilan sa kanilang pagkalugi.
Sinabi pa ni Cardenas na maliban na lamang sa mga hayop na ito ang kalabaw na aniya ay mahalaga dahil katuwang ito ng mga magsasaka.
Bukod dito, humingi ng paumanhin ang alkalde sa ibang mga barangay at kanyang sinabing prayorid muna nilang mabigyan ng tulong sa ngayon ang labis na naapektuhang barangay kabilang ang Brgy Pula, Brgy. Masulog at Linothangan.
Binigyang-diin pa nito na plano namang bigyan ang lahat na pamilya ngunit uunahin pa umano ang mga nasa evacuation centers na nagmula sa nabanggit na mga barangay.
May ipapamahagi din umanong ayuda para sa mga magsasaka kung saan magka-iba ang matatanggap ng nagtatanim ng palay at iba pang pananim.
Ibinunyag pa ni Cardenas na nakatakdang magkakaroon ito ng pagpupulong kasama ang Department of Social Welfare and Development at kung maging normal na aniya ang aktibidad ng bulkan ay posibleng bukas o sa Linggo ay maaari nang makabalik sa kani-kanilang tahanan ang mga evacuees.