CENTRAL MINDANAO – Sumipa pa ang mga nagpositibo sa Coronavirus Disease (Covid-19) sa probinsya ng Cotabato.
Ayon sa ulat ng IPHO-Cotabato, nadagdagan pa ang mga barangay na isinailalim sa granular lockdown sa bayan ng Midsayap, Cotabato.
Unang ni-lockdown ang dalawang purok sa Barangay Salunayan at sinundan ng Habitat Village sa Barangay Upper Glad 1 at pangatlo ang Barangay Anonang.
Unang nagkasakit ang isang pasyenteng namatay dahil sa COVID-19, at nahawa ang kanyang mister, mga kaanak at kapit-bahay sa Purok 2, Barangay Anonang, Midsayap, Cotabato.
Dahil dito, nagpasya ang lokal na pamahalaan ng Midsayap na isailalim sa 14 day granular lockdown ang Purok 2 upang hindi na kumalat pa ang nakamamatay na virus.
Ayon sa LGU-Midsayap, matapos nilang matanggap ang ulat na ang isa nilang residente ay namatay dahil sa COVID, kaagad nilang inilunsad na malawakang contact tracing.
Kaagad isinailalim sa RT-PCR testing ang lahat ng natukoy na may closed contact sa namatay na pasyente at siyam sa kanila ang nagpositibo
Sa ngayon aabot na sa 11 pamilya o higit 60 individuals ang naka-home quarantine at nabigyan ng tulong ng LGU Midsayap.
Nagtayo na rin ng Quarantine Control Center ang Barangay sa mismong Purok na siyang mag-momonitor sa mga naka Quarantine.
Matatandaan na unang namahagi ng tulong sa mga barangay na ni-lockdown si dating Board Member Rolly Sacdalan, LGU-Midsayap at Serbisyong Totoo Midsayap.
Sa ngayon ay hinigpitan pa ang minimum health protocols sa probinsya ng Cotabato.