-- Advertisements --

VIGAN CITY – Isinailalim sa total lockdown ang tatlong barangays sa Sallapadan, Abra matapos na makumpirma ang ikatlong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan kaninang umaga.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, tinukoy ni Abra Public Information Officer Dick Bersamira ang mga naka-lockdown na barangay kung saan ito ay ang Naguillian, Subusob at Gangal.

Kaninang umaga, kinumpirma ng Provincial Health Office – Provincial Epidemiology Surveillance Unit ang ikatlong kaso ng COVID- 19 sa Abra kung saan ito ay ang 73-years old na ama ng ikalawang COVID-19 patient na taga-Naguillian.

Si AC2 ay mayroong close contact kay AC1 na isang seaman na naunang COVID-19 patient sa Abra ngunit nakalabas na ng ospital at nasa maayos nang kalagayan.

Sa ngayon, inihahanda na umano ang paglilipat kay AC3 sa Baguio General Hospital para sa kaniyang treatment.