Ipinagmalaki ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang pambihirang pangyayari ang paglalayag ng magkakasama ng 3 barko na PCG at BRP Teresa Magbanua sa Escoda shoal noong Lunes.
Sa isang post sa social media account na X, sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na lumikha ito ng isang remarkable sight.
Aniya, sinamahan ng idineploy na tatlong 44-meters multirole response vessels ng PCG na may bow number na 4402, 4404 at 4409 ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda shoal matapos na matagumpay na nakumpleto ang kanilang resupply missions sa iba’t ibang maritime features kung saan may Coast Guard Sub-stations ang PCG bago bumalik sa pantalan.
Simula naman noong Abril, idineploy na ng PCG ang isa sa pinakamalaki at pinakamoderno nitong barko na BRP Teresa Magbanua sa Escoda shoal bilang tugon sa presensiya ng Chinese militia vessels at posibleng reclamation activities ng China sa lugar.
Kaugnay nito, inihayag pa ni Comm. Tarriela na bilang isang PCG officer at proud Filipino, ipinagmamalaki nito na masaksihan ang ating mga sasakyang pandagat na buong pagmamalaking binabandera ang ating watawat.
Nagsisilbi aniya itong simbolo ng ating hindi natitinag na commitment para sa pagpapanatili at paggiit ng ating lehitimong posisyon sa WPS.
Subalit, kabaliktaran naman ito sa panig ng China na ikinagalit ang naturang deployment ng mga barko ng PH.
Sa ulat mula sa state-run media na Global Times, muling inakusahan ng China partikular ni CCG spokesperson Gan Yu ang Pilipinas ng pagdadala ng malalaking bilang ng mga suplay at umano’y mga contruction material para magtayo ng permanenteng pasilidad sa Escoda shoal.
Iginiit naman ng China Coast Guard na ang naging hakbang umano ng Pilipinas ay lumabag sa indisputable sovereignty ng kanilang bansa sa Spratly islands chains kabilang ang Xianbin Jiao o Escoda shoal.
Subalit, sa panig ng Pilipinas, sinabi naman ni Philippine Navy spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na ini-exercise lamang ng PH ang sovereign rights nito sa sariling karagatan.
Kaugnay nito, ipagpapatuloy aniya ng PH ang pagtiyak sa integridad sa ting teritoryo at pagprotekta sa ating soberaniya.