-- Advertisements --

Kalunos – lunos ang sinapit ng tatlong bata matapos matrap sa loob ng kanilang nasusunog na bahay sa Purok Talaba Barangay Camanga, Dumalinao, Zamboanga del Sur .

Sa panayam ng Star FM Dipolog kay Pagadian City Fire Marshal Dionisio Cayudong kinilala nito ang tatlong nasawing biktima na sina Princess Geneive, 8 taong gulang, isang special child, Clark King, 4 at Marvin Bitzusa 3.

Sinabi ni Cayudong na posibleng may naiwang siga sa kusina ng bahay na naging dahilan ng sunog at di na nakalabas pa ang tatlo dahil nakapadlock umano ito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad napag-alaman na naiwan umano ang mga paslit sa pangangalaga ng kanilang dalawang nakakatandang kapatid ngunit umalis ang mga ito at iniwang nakapadlock ang bahay.

Dagdag pa nito, di na umano makilala ang bangkay ng tatlo dahil sa sobrang pagkasunog.

Napag-alaman na isang construction worker ang ama ng mga biktima at tatlong buwan pa lamang na nagtatrabaho bilang OFW ang ina.