-- Advertisements --

ROXAS CITY – Tatlong bayan na sa lalawigan ng Capiz ang isinailalim sa state of calamity dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng sakit na dengue.

Nabatid na una nang nagdeklara ng state of calamity ang bayan ng Pontevedra kung saan umabot sa 200 ang bilang ng mga nagkasakit ng dengue at President Roxas na may 156 na mga kaso.

Sinundan ito ng Sigma na may 197 na mga kaso sa pamamagitan ng ipinasang resolusyon ng konseho ng naturang bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sigma sangguniang bayan member Esperidion Pelaez, inihayag nito na kasunod ng pagsasailalim sa state of calamity sa naturang bayan ay magagamit na rin ng lokal na gobyerno ang kanilang calamity fund upang mas mapaigting ang kanilang kampanya kontra dengue.

Matatandaan na idineklara na rin ang dengue outbreak sa buong lalawigan sa pamamagitan ng executive order na ipinalabas ni Governor Esteban Evan “Nonoy” Contreras.

Nabatid na base sa datos ng Provincial Health Office at Department of Health-Capiz, lomobo ng hanggang 988% ang kaso ng dengue sa lalawigan kung saan umabot na sa higit 4,200 ang naitalang kaso mula Enero hanggang buwan ng Hulyo ngayong taon.