-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sumiklab ang engkwentro ng militar at mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Staff Sergeant Ronelo Mayo habang sugatan si Corporal Harold Jaway,mga tauhan ng 92nd Infantry Battalion Philippine Army.

Patay naman sa BIFF sina Kober Abdulkarim,Khadzai Raob at si Hairodin Saleleng.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade na habang nagpapatrolya ang tropa ng 92nd IB sa Barangay Meta Datu Unsay Maguindanao ay nakasagupa nito ang grupo ni Kumander Boy Saladeng ng BIFF Bungos faction.

Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang matataas na uri ng armas.

Lumikas rin ang ilang mga residente sa takot na maipit sa gulo at tamaan ng mga ligaw na bala.

Umatras ang mga rebelde papasok ng SPMS Box nang pasabugan sila ng mga sundalo gamit ang 105 mm Howitzers Cannon.

Binawian ng buhay si SSgt Mayo nang tamaan ng bala mula sa sniper ng BIFF habang tatlo sa mga rebelde ang nasawi.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng Joint Task Force Central laban sa grupo ni Kumander Boy Saladeng BIFF Bungos faction sa Datu Unsay Maguindanao.