-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Tatlong mga terorista ang nasawi at apat ang nasugatan sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.

Ang mga nasawi at nasugatan ay mga tauhan ni Kumander Muslimin Amilil ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction).

Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major/General Juvymax Uy na tumanggap sila nang impormasyon galing sa mga sibilyan sa presensya ng BIFF sa Barangay Linantangan Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.

Nang magresponde ang mga sundalo ay agad silang pinaputukan ng mga rebelde.

Tumagal ng mahigit kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig.
Umatras ang mga rebelde papasok ng Liguasan Delta nang pasabugan sila ng mga sundalo gamit 90 rr bazooka.

Walang nasugatan sa mga sundalo habang tatlo sa BIFF ang nasawi at apat ang nasugatan.

Narekober rin sa mga napatay na rebelde ang tatlong kalibre.45 na pistola, pampasabog, mga sling bag na naglalaman ng shabu,mga bala, magazine, cellphone, pera at mga personal na kagamitan.

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng Joint Task Force Central ang grupo ni Kumander Amilil sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.