Patay ang tatlong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) habang sugatan ang apat pa nilang mga kasamahan sa engkwentro laban sa militar sa Maguindanao.
Ayon kay 6th ID spokesperson Lt Col. John Paul Baldomar naganap ang engkwentro kahapon sa Datu Saudi Ampatuan at Shariff Saydona, Mustapaha.
Nakatanggap umano sila ng impormasyon sa planong pag-atake ng BIFF partikular ng Karialan faction kaya rumesponde ang mga militar at nagsagawa ng clearing operations para maitaboy ang rebeldeng grupo.
Kinumpirma rin ni Baldomar na may na-intercept silang isang bangkay sa isang checkpoint kagabi mula sa loob ng encounter at nai-turn over na ito sa PNP para imbestigahan at matukoy ang pagkakakilanlan nito at kung sinu-sino ang mga nag-escort dito.
Dahil sa labanan lumikas ang mga residente ng Barangay Kitango na inaalagaan ng local government units.
Batay sa datos ng local government unit nasa 900 na mga indibidwal ang nasagsilikas at nanunuluyan ngayon sa mga karatig bayan ng Mamasapano, Shariff Saydona Mustapha, at Datu Saudi Ampatuan.
Samantala, sa panig naman ng militar tatlo ang naitalang nasugatan at kasalukuyang nagpapagaling na sa hospital.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang clearing operations sa Datu Saudi Ampatuan at Shariff Saydona Mustapaha.
Nasa apat na improvised explosive device naman ang kanilang narekober.
Pinuri naman ni 6th ID commander M/Gen. Juvymax Uy ang mga tropa ng 1st Mechanized Brigade sa kanilang dedikasyon na protektahan ang mga sibilyan mula sa mga masasamang plano ng mga teroristang grupo.
Siniguro naman ni Uy na gagawin ng militar ang lahat para mapanatili ang peace and order.