CENTRAL MINDANAO -Tumaas pa ang bilang ng mga terorista na sumuko sa militar sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga rebelde na sina alyas Shocks, alyas Tongi at alyas Marco na mga tauhan ni Kumander Kagui Karialan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan Faction).
Sumuko ang tatlong BIFF sa tropa ng 34th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Edgardo Vilchez sa Barangay Salunayan, Midsayap, Cotabato.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang dalawang modified 7.62mm barrett rifles, dalawang magazines na may anim na bala at isang 60mm mortar.
Ayon sa mga sumukong rebelde, nais na nilang mamuhay ng mapayapa at makapagsimulang muli kasama ang kanilang pamilya.
Pormal namang tinanggap ni 602nd Brigade commander Colonel Joven Gonzales at Midsayap Mayor Romeo Araña ang tatlong BIFF na sumuko.
Nakatanggap rin ng inisyal na tulong ang mga rebelde mula sa LGU-Midsayap.
Sasailalim din ang tatlong BIFF sa process for enrollment sa Tugon program ng BARMM government.
Matatandaan na isang sidekick ni Kumander Kagui Karialan ang bago lang sumuko sa 34th IB na si alyas Omar kung saan dala rin nito ang isang 60mm mortar tube.