CENTRAL MINDANAO – Nagbalik loob sa pamahalaan ang tatlong mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga rebelde na sina Lanny Madaluday Salem alyas Matyak Salem, Rocky Kinal Paquital alyas Rocky Salilagya at Usman Abas Salem alyas Lumanda Salem, mga tauhan ni Kumander Kagi Karialan.
Ayon kay 602nd Brigade chief, B/Gen. Roberto Capulong, sumuko ang tatlong BIFF kay 34th Infantry Battalion Philippine Army commander Lt/Col. Glenn Caballero sa Brgy Nabalawag, Midsayap, North Cotabato.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang isang caliber 7.62 mm improvised sniper rifle, caliber 7.62 mm, M14 rifle, 3 magazines, 19 rounds ng caliber 7.62 mm ammunition at isang bandoleer.
Sinabi ni Lanny Salem na pagod na umano sila sa pakikibaka laban sa gobyerno at gusto na nilang magbagong buhay.
Nais rin ng tatlong BIFF na makiisa na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM) sa ilalim ng pamumuno ni MILF chairman at Interim Chief Minister Aljads Murad Ebrahim.
Nagpasalamat naman si Col. Caballero sa mga lokal opisyal at mga lider ng barangay na tumulong sa negosasyon sa pagsuko ng tatlong mga terorista.
Hinikayat ni Gen. Capulong ang BIFF at mga NPA na sumuko na at magbagong buhay dahil tutulungan sila ng gobyerno.