CENTRAL MINDANAO – Tatlong hinihinalaang mga terorista na sangkot sa pambobomba ang sumuko sa militar sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga rebelde na sina Terek Nao, Tato Bantas at Tatowan Gandawali, mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Sumuko ang tatlong BIFF members sa tropa ng 7th Infantry Battalion Philippine Army.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang isang caliber .50 barret sniping rifle, isang M79 grenade launcher, isang 9mm submachine pistol, mga bala at dalawang improvised explosive device (IED).
Sinabi ni 7th IB commander Lt. Col. Niel Roldan na sumuko ang tatlong BIFF sa nagpapatuloy na intensified military operation at gusto na rin nilang mamuhay ng mapayapa.
Nanawagan naman si 602nd Brigade chief Brig. Gen. Roberto Capulong sa mga rebelde na sumuko na at tiniyak nito ang tulong ng gobyerno sa kanilang pagbabagong buhay.
Pinuri naman Joint Task Force Central commander at 6th ID chief, Maj. Diosdado Carreon ang 7th IB sa pinakita nitong determinasyon at propesyonalismo para magapi ang mga kalaban ng gobyerno.