KORONADAL CITY – Nanindigan ang pulisya na ang tatlong kalalakihan sa bayan ng Lambayong, Sultan Kudarat na nasawi matapos magpahabol ang mga checkpoint ay nanlaban sa mga otoridad.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMaj. Jehnameel Toñacao, chief of police ng Lambayong PNP, sakay ang tatlong kalalakihan ng kanyang Suzuki Raider at pagdating sa checkpoint sa Prk. 4, Brgy. Didtaras ay humahurorot ang mga ito at nagpahabol sa pulisya.
Nang dumating sa bahagi ng Prk. Masagana ng nasabing barangay ang mga ito ay nagpaputok umano sa humahabol na kasapi ng pulisya kaya’t gumanti ang mga otoridad at tinamaan ang mga suspek.
Isinugod pa ang tatlo sa Evangelista Medical Clinic and Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Narekober sa crime scene ang tatlong kalibre 45 na baril, mga magazine at bala nito, granada at motorsiklo na ginamit ng mga ito.
Sa isinagawang post mortem examination nakunan ang isa sa mga suspek ang isang small sachet ng pinaniniwalaang shabu.
Ngunit, kabaligtaran naman ang pahayag ng pamilya ng mga suspek dahil malaki ang kanilag paniniwala na walang kasalanan ang mga ito at napagkamalan laman.
Kaugnay nito, sumisigaw sila ng hustisya sa pagkamatay ng kanilang mga kaanak dahil hindi nga umano marunong maghawak ng baril ang mga ito.
Nakahanda naman umanong sagutin ng PNP ang anumang reklamo o kasong isasampa laban sa kanila.