-- Advertisements --

Tatlong bodega sa Cagayan de Oro sa Northern Mindanao ang sinalakay ng mga otoridad dahil sa pinaniniwalaang responsible sa malawakang hoarding ng asukal sa bansa.

Sa impormasyon mula sa Office of the Press Secretary, ang tatlong bodega ay pag-aari ng Cystral Sugar Milling Inc. na nasa North Poblacion.

Kabuuang 466,142 sako ng asukal ang naimbentaryo ng mga otoridad, kung saan 264,000 sako rito ang naibenta na umano sa mga negosyante subalit hindi pa lamang naididiskarga mula sa mga bodega.

Hiningan umano ng kopya ng mga dokomento ang warehouse manager na kinilalang si Javier Sagarbarria subalit nangatwiran ito at sinabing wala umano ang taong may hawak ng mga hinahanap na dokumento.

Kasama ng Bureau of Customs (BoC) Region 10 na nagsagawa ng operasyon ang mga kinatawan ng Sugar Regulatory Administration, at mga miyembro ng AFP at PNP na nakabase sa bayan ng Maramag na bitbit ang letter of authority at mission order.

Ang operasyong ito ay base na rin sa intelligence report na nagsasabing ang may-ari ng tatlong bodega ay sangkot umano sa malawakang hoarding ng suplay ng asukal.