-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Tatlong barangay officials sa bayan ng Bugallon ang kakasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na maaktuhang bumibili ng boto sa may Barangay Buer sa bayan ng Aguilar, Pangasinan.

Una rito, nagsagawa ng joint operation ang hanay ng Philippine National Police (PNP) at NBI matapos makatanggap ng isang tawag mula sa isang concerned citizen na nagsasabing may nagaganap na vote buying sa mismong barangay hall ng Barangay Buer.

Nang puntahan, nakita mismo ng mga otoridad sa akto ang pagbili ng boto ng tatlong barangay officials na nakilala bilang sina Punong Barangay Conrado Hermosando Jr., at mga kagawad na sina Conrado Hermosando Sr., at Ernesto Urbano De Guzman.

Habang natukoy din ang identity ng apat na umano’y empleyado ng munisipyo na sina Denver Calugay Bejar at Monalyn Rivera Sison. kapwa residente ng Portic, Bugallon; Bernadette Ulanday Beltran at John Paul Cruz na mula naman sa Pantal, Bugallon.

Tinatayang nasa P2 milyon ang halaga ng perang nakuha sa mga nabanggit na suspek na gagamitin sana sa “pakurong” o vote buying.

Una nang sinabi ng Commission on Elections na mas naging talamak ang vote buying kompara noong 2016 elections.