Pinayagan na ng Senate committee on justice na makalaya mula sa pananatili sa basement ng Senado ang tatlong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na na-contempt noong isang linggo.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, nakipag-cooperate na sina BuCor legal chief Atty. Frederick Anthony Santos, documents and records section head Ramoncito Roque at Dr. Ursicio Cenas.
Sa isinagawang executive session, naglahad na umano ng kanilang mga nalalaman ang tatlo.
Bago ito, naghain pa ng petition for writ of habeas corpus ang tatlo sa korte dahil daw sa labag sa batas na pagkulong sa kanila ng mga senador.
Maging ang dalawang jail officers na si Benilda Bansil at Veronica Buño ay hindi na rin ipiniit.
Sina Bansil at Buño ay una nang binalaan na posibleng ma-contempt dahil sa hindi pagsasabi ng katotohanan sa hearing.
Ang dalawa kasi ang idinidiin ng mga testigong si Yolanda Camilon na ka-deal daw nila para sa good conduct time allowance (GCTA) for sale, kung saan nakapagbigay sila ng P50,000, ngunit wala namang nangyaring pagpapalaya sa bilanggong si Godfrey Gamboa.