ILOILO CITY – Nagsimula na ang closed season sa Visayan Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Remia Aparri, director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 6, sinabi nito na simula Nobyembre 15 hanggang Pebrero 15, mahigpit na ipagbabawal ang pangingisda ng mga sardines, herrings at mackerels sa Visayan Sea.
Layunin nito ayon kay Aparri na makapag-replenish ang mga isda.
Mga tuloy, tamban, tabagak, balantiyong, guma-a, bulao, at hasa-hasa, ang mga klaseng isda na ipinagbabawal munang hulihin.
Hinihikayat naman ni Aparri ang mga commercial at municipal na mga mangingsda na magpahinga muna sa paghuhuli, pagbebenta at pag-mamarketing ng mga nabanggit na isda sa loob ng na-established na boundaries.
Ang delineation ng Visayan Sea na sakop ng closed season ay magsisimula mula Danao River sa Escalante City sa Negros Occidental hanggang sa tip ng Sta. Fe, Cebu.
Magpapatuloy ito sa northernmost tip ng Madridejos Cebu hanggang sa Gigantes Island sa Carles, Iloilo kung saan ang lighthouse ang magsisilbing marker at mag-coconect ito horizontally sa Olotayan Island hanggang Roxas City.
Sa pagitan naman ng Iloilo at Negros Occidental, magsisimula ang boundary mula Talisay River sa Barotac Nuevo hanggang Tomonton Point sa EB Magalona at sa huli, balik sa Danao River.