CENTRAL MINDANAO-Kagagawan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang pag-atake sa o mga myembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na nagbabantay sa inaayos na tulay sa lalawigan ng Maguindanao Del Norte.
Nakilala ang mga nasawi na sina Christian Silvestre, Ignacio Lozad at Dondon Ahito.
Sugatan naman sina Arnel Cayanan at Calbertson Baggay na pawang mga kasapi ng Cafgu sa ilalim ng 6th Infantry (Kampilan) Division Philippine Army.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Noel Sermese na habang nagbabantay ang limang Cafgu sa inaayos na tulay sa Barangay Edcor Buldon Maguindanao ay bigla silang sinalakay ng mga armadong kalalakihan gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Gumanti ng putok ang mga Cafgu laban sa pinaniniwalaang mga myembro ng BIFF.
Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng bala sa magkabilang panig.
Agad tumakas ang mga suspek lulan ng dalawang motorsiklo ng matunugan nila na nagresponde ang tropa ng 5th Marine Battalion Landing Team at ibang Cafgu.
Tatlong mga Cafgu ang nasawi at dalawa ang nasugatan habang hindi matiyak sa mga rebelde.
Kinuha naman ng mga armado ang apat na M14 rifles na isyu sa mga Cafgu.
Mariin namang kinondena ni 6th ID Chief at Joint Task Force Central Commander Major General Roy Galido ang pag-atake sa outpost ng Cafgu.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng MBLT-5 at mga Cafgu ang mga armadong grupo.