-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Abala sa ngayon ang Pinay international fashion designer na si Kirsten Regalado sa paggawa ng costume ng tatlong kandidata sa 69th Miss Universe pageant na gaganapin sa City of Hollywood.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Regalado na nakabase na ngayon sa Miami, Florida, siya ang napiling gagawa ng national costume, evening gown at dress para sa interviews ni Miss Mauritius Universe Vandana Jeetah.

Maliban dito, si Regalado rin ang nagdesinyo ng national costume ng pambato ng Iceland na si Elísabet Snorradóttir at evening gown ng kandidata ng Armenia na si Monika Grigoryan.

Sa ngayon, natapos na ng Negrense designer ang paggawa ng mga susuotin ng Mauritian candidate at nakatakda sa Mayo 5 ang fitting nito.

Samantala, tinatapos pa ng Regalado team ang national costume ng Miss Iceland.

Aniya, nature-inspired ang mga costume na kanyang ginawa upang mashowcase ang yaman ng bawat bansa.

Inamin ng Negrense designer na challenging ang paggwa ng intricate na mga design ngunit nagpapasalamat ito na halos buong pamilya na nito ang tumutulong upang makahabol sa pageant.

Ang 69th edition ng Miss Universe ay gaganapin sa Seminole Hard Rock Hotel sa City of Hollywood sa Mayo 17 ng umaga, oras sa Pilipinas, at malapit lang ito sa kinaroroonan ni Regalado.