-- Advertisements --

Arestado ang tatlong Chinese nationals sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) dahil sa pagdukot sa kapwa nilang kababayan sa ParaƱaque City.

Dinukot umano ng mga suspeks ang biktima dahil sa utang na pera na ginamit nito sa casino.

Kinilala ni PNP AKG Acting Director, PCol. Jonnel Estomo ang biktima na si Zheng Jin Song, 23-anyos at turista lamang sa bansa.

Habang ang mga suspeks ay nakilalang sina Wu Kun, 26-anyos; Ling Yanqing, 35; at Xia Yugui, 34-anyos.

Sa pahayag na inilabas ng AKG, naglalaro ang biktima ng baccarat, isang card game, sa isang casino ng siya ay lapitan ng mga suspeks at inimbitahan sa isa isang VIP room bandang alas-11:00 ng umaga noong Lunes.

Bandang alas-4:00 ng hapon nanghiram ng pera ang biktima na nagkakahalagang P203,760.00 sa mga suspeks sa kondisyon na babayaran niya ang mga suspeks na may 20 porsiyentong tubo kapag siya ay nanalo sa Casino.

Pero natalo ang biktima agad siyang dinampot at ikinuong sa isang residential building sa Barangay Tambo.

Ayon kay Estomo nakabayad ang biktima sa mga suspeks sa halagang 28,300 Chinese Yuan o nasa P206,000.00.

Nagkaroon umano ng pagkakataon ang biktima na tumawag sa isang kaibigan at ipinaalam ang insidente.

Bandang alas-11:00 na ng gabi ng matanggap ng AKG ang ulat agad naman ikinasa ang operasyon at dito naaresto ang tatlong suspeks.

Kasong kidnapping for ransom with serious illegal detention ang isinampang kaso laban sa mga suspeks.