KALIBO, Aklan – Nakalabas na sa Aklan Provincial Hospital ang tatlong Chinese nationals na pansamantalang nanatili sa isolation ward matapos na makitaan ng sintomas ng 2019-novel coronavirus.
Sa ulat na ipinaabot sa Bombo Radyo ni Dr. Cornelio Cuatchon, Provincial Health Officer II ng PHO-Aklan, matapos aniya na mabigyan ng lunas sa nasabing pagamutan ang mga dayuhan na kinabibilangan ng dalawang babae na may edad 32 at 24 gayundin anim na taong gulang na lalaki ay kaagad din silang pinalabas.
Sa ngayon umano ay pinoproseso na ang kanilang pag-uwi sa bansang pinanggalingan.
Una rito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang pulong balitaan, Martes ng hapon na sa 27 ‘persons under investigation’ sa kaso ng nCoV ay tatlo rito ang nakalabas na ng pagamutan.
Sa kasalukuyan, umabot na sa halos 5,000 ang kabuuang kaso ng Wuhan coronavirus sa China.