CAGAYAN DE ORO CITY – Tinalikuran ng mag-asawang kapwa opisyal ng New People’s Army (NPA) ang armadong kilusan kasama ang isa pang miyembro upang makapiling ang kanilang pamilya at makapagdiriwang ng Pasko at sabay na sasalubong ng bagong taon.
Ito ay matapos tuluyang itinakwil nila ang kilusang armado at nagbalik-loob sa gobyerno bitbit ang kani-kanilang mga baril sa headquarters ng 8th IB, Philippine Army sa Poblacion, Claveria, Misamis Oriental.
Kinilala ni 58th IB commander Lt Col Ricky Canatoy ang mga mag-asawa na si Ben Domino Hangadon alyas Kiram, 37, vice squad leader ng Sub-Section Guerilla Unit ng North Central Mindanao Regional Command; Ana Mansinugdan Hangadon, 30, na nagsilbi ring political instructor na kapwa nagmula sa Barangay Lawan-Lawan, Las Nievez, Agusan del Norte.
Inihayag ni Canatoy na nakumbinse rin nila si Jonel Talija Binongkasan alyas Cardo, 20, na taga-Barangay Malinao, Gingoog City, Misamis Oriental na talikuran ang guerilla front committee 4-A ng kilusan.
Bitbit ng mga sumuko ang dalawang M-16 rifles at ipinagkatiwala sa gobyerno.
Nailahad umano ng mga sumuko na gusto na nila magbalik sa kanilang mga pamilya dahil 12 rin na hindi sila nakapagdiriwang ng Pasko dahil lahat ng araw ay nasa bundok sila naglalakad patungo sa hindi malinaw na direksyon.
Kaugnay nito, tiniyak ni Canatoy na tutulungan nila ang bagong NPA surrenderees na ma-enroll sa Enhanced Comprehensive and Local Integration Program (E-CLIP) upang maka-avail ng package of benefits para sa mga katulad nila na nagbalik-loob sa gobyerno.