-- Advertisements --

Mahigpit na binantayan ng mga naval at air asset ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tatlong sasakyang pandagat ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) kahit na natukoy ang mga ito na umalis na sa teritoryo ng bansa.

Kaugnay nito, nagsanib-puwersa ang Northern Luzon Command, Western Command, Central Command at Western Mindanao Command sa patuloy na pagsubaybay sa mga barko ng Chinese Navy.

Ayon kay Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea (WPS), Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, namataan ang mga barko ng Chinese Navy 120 nautical miles timog ng Basilan dakong alas-7:30 ng umaga nitong Martes. Palabas na aniya ito ng exclusive economic zone ng bansa.

Aniya, ang rutang dinaanan ang 3 barko mula Bajo de Masinloc, patungong silangan ng Mindoro, sa pamamagitan ng Cuyo Island at sa Sulu Sea ay “generally accepted north to south passage” subalit gumamit ng normal speed at walang tigil.

Ito aniya ang pinakamaikling ruta kung magmumula sa hilagang parte ng bansa at lalabas sa timog na parte.

Samantala, chinallenge aniya ng panig ng PH ang mga barko ng PLAN sa lahat ng paraan ngunit hindi ito tumugon ayon sa procedures.

Sumagot sila ngunit hindi aniya alinsunod sa normal procedure gaya ng pagpapakilala ng naturang PLAN vessels, paglalahad kung saan ka nanggaling at kung saan ka patungo. Ang tanging tugon lamang na ibinigay umano sa Western Mindanao Command a nagsasagawa umano sila ng kalayaan sa paglalayag at inocent passage.