Maigting na minomonitor at sinusubaybayan ngayon ng Western Mindanao Command (WMC) ang galaw ng 3 barko ng Chinese Navy na namataan sa Mindanao.
Tinukoy ng Armed Forces of the Philippines ang 3 barko ng People’s Liberation Army Navy na Renhai Class Cruiser Guided Missile, Jiankai Class Frigate II, at isang Type 903 Fuchi Class Replenishment Oiler.
Unang namataan ang mga ito sa bisinidad ng West Philippine Sea noong araw ng Linggo, Pebrero 2 at naglayag sa may Mindoro Strait patungong Sulu Sea.
Sa isang statement, sinabi ni WestminCom Commander Lt. Gen. Antonio Nafarette na inaasahang sa international passage na pasok sa maritime domain ng WestMinCom na Sibutu passage at Basilan Straint dadaan ang naturang PLAN vessels alinsunod sa archipelagic sea lanes of communications kung saan pinapayagan ang innocent passage ng sasakyang pandagat ng ibang mga bansa.
Subalit ang pagdaan aniya ng Chinese Navy vessels ay walang prior diplomatic coordination sa PH at napanatili ng mga barko ang mabagal na galaw na 4-5 knots na taliwas sa mga prinsipiyo ng innocent passage.
Bilang tugon para maprotektahan ang maritime security ng bansa, ipinadala ng WestMinCom ang 2 PAf aircraft na binubuo ng C-208 at isang Nomad N22 aircraft na nag-monitor sa pagdaan ng PLA-Navy vessels sa loob ng territorial waters ng bansa.
Gayundin, ang Joint Task Force “Poseidon”, na siyang leading maritime security arm ng WMC, ay kumikilos na sa naturang ulat, at nagpadala na rin ng mga barko ng Philippine Navy upang i-challenge at i-shadow ang nasabing Chinese Navy vessels habang sila ay dumadaan sa area of responsibility ng WMC. Patuloy din na sinusubaybayan ng littoral radar ng Philippine Navy ang paggalaw ng mga barko ng China.
Tiniyak naman ng Commander ng Western Mindanao Command sa publiko na ang sandatahang lakas, bilang tagapagtanggol ng mga tao at ng estado, ay palaging nakatuon upang matiyak ang soberanya ng estado at ang integridad ng ating pambansang teritoryo.