-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang dalawang construction worker habang isa ang nakaligtas matapos natabonan ng lupa ang ginagawa nilang drainage canal sa likod ng Plaza del Norte and Convention Center sa Barangay Balacad sa lungsod ng Laoag dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ayon kay Dr. Melvin Manuel, City Disaster Risk Reduction and Management Officer, nakilala ang mga biktima na sina Christian Mark Velasco Ubina, 41 anyos at residente sa Isabela at si Christian Juanites Lestino, 32 anyos at residente sa Pasig City habang ang nakaligtas ay si Rabaca Balia Beltran, 36 na anyos at residente sa Batangas.

Ipinaliwanag niya na sinubukan pa ng mga awtoridad na sagipin ang buhay ng dalawang construction worker sa pamamagitan ng pagsasagawa ng CPR o cardiopulmonary resuscitation ngunit nabigo sila.

Sinabi niya na may pitong talampakan ang lalim ng nasabing drainage canal kung saan ang lupa ay lumambot dahil naputol ang water system sa ilalim ng lupa na humantong sa pagguho nito.

Idinagdag niya na tumagal ng isang oras bago naiyahon ang mga biktima.

Kaugnay nito, ayon sa Laoag City Police Station na inaasahan na maibibiyahe ang bangkay ng mga biktima sa Isabela at Pasig City habang patuloy na nagpapagaling ang nakaligtas sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac.

Sa ngayon, temporaryong pinahinto ang ginagawang drainage canal habang gumulong pa ang imbestigasiyon ng nga awtoridad.