-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Labanan ng tatlong mga kandidato sa pagka-gobernador ng Sultan Kudarat ang aabangan sa darating na May 2022 elections kung saan dalawa sa mga ito ay mula sa pamilya Mangudadatu.

Sa unang pagkakataon ay sasabak sa pulitika ang dating 2018 Miss Pacific International na si Sharifa Akeel-Mangudadatu na asawa ni Maguindanao 2nd District Congressman Toto Mangudadatu na nakapaghain na ng kanyang certificate of candidacy upang tumakbong gobernador ng Sultan Kudarat.

Makakalaban naman nito ang pinsang buo ng kanyang asawa na si Datu Ali Pax Sangki Mangudadatu na incumbent Mayor ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao at anak naman ng kasalukuyang gobernador ng lalawigan ng Maguindanao na si Bai Mariam Sangki-Mangudadatu .

Maliban sa magpinsang Mangudadatu ay maghahain din ngayong araw ng kanyang kandidatura sa pagka-gobernador ng Sultan Kudarat ang former Mayor ng Isulan, Sultan Kudarat na si ex-Mayor Diosdado Pallasigue.

Sa ngayon ay nakatutok ang pulisya at militar sa lalawigan ng Sultan Kudarat at Maguindanao dahil sa ang mga lalawigan na ito ang kilala nang pinagkukutaan ng ilang mga lawless groups gaya ng BIFF-Dawlah Islamiyah at ilang private armed groups.