-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nasa tatlong cruise ship ang inaasahang dadaong sa isla ng Boracay sa buwan ng Nobyembre at Disyembre ng kasalukuyang taon.

Kaugnay nito, tinatayang magdadala ito ng aabot sa halos 10,000 mga bisita sa isa sa mga Asia’s best island.

Maglalayag ang MV Norwegian Jewel sa Nobyembre 3 sa Boracay at babalik sa isla sa Nobyembre 29 at Disyembre 1.

Maliban dito, bibisita rin ang MS Westerdam of Holland America Line sa Nobyembre 7 at Star Breeze sa Disyembre 2.

Nabatid na ang Boracay ang isa sa mga nangungunang port of call para sa mga international cruise ship.

Kamakailan lamang nang nakapasok ang isla ng Boracay bilang isa sa mga top islands sa Asia matapos na nakahanay sa pangatlong pwesto sa Conde Nast Traveler Readers’ Choice Awards 2023.

Nasungkit ng isla ang 90.74 points na naglagay sa ikatlong pwesto na pinangunahan ng Bali, Indonesia; sumunod ang Koh Samui, Thailand; pang apat ang Phuket, Thailand at nasa pang limang pwesto naman ang Langkawi, Malaysia.

Samantala, kampante naman ang Malay Municipal Tourism Office na malampasan ang 1.8 milyon targeted tourist arrival para sa kasalukuyang taon matapos na umabot sa halos 62,608 ang bilang ng mga turista na tumawid isla ng Boracay sa loob lamang ng dalawang lingo ngayong buwan ng Oktobre.

Sa nasabing bilang ay 46,773 ang mga domestic tourist; 596 ang mga overseas Filipinos at overseas Filipino workers gayundin 15,239 ang mga foreign tourist.