-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Sinalakay ng Bayombong Police Station at Regional Group of Special Concern ang isang Boarding House na ginawang Sex Den sa Maharlika Highway, Purok 2, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Ernie Cruz, Deputy Chief of Police ng Bayombong Police Station, ang mga pinaghihinalaam ay sina Paul Butal Jr., 47 anyos, drayber at residente ng Osmeña, Solano, Nueva Vizcaya na itinuturong may-ari din ng van kung saan isinasakay ang mga kababaihan.

Nakilala naman ang iba pang suspect na sina Jualita Morales, 40 anyos, negosyante, residente ng Dita, Sta. Rosa, Laguna na may ari ng Boarding House at Ashley Santos, 20 anyos, residente ng Tangos South, Navotas City na itinuturong bugaw.

Ayon kay Major Cruz, tatlong mga kababaihang pawang nasa edad, labing walo, labing siyam at dalawamput tatlo ang na-iligtas sa nabanggit na operasyon na kinabibilangan ng dalawang dalagang residente ng Aparri, Cagayan at isang residente sa lungsod ng Santiago.

Isinagawa ang operasyon nang makumpirma ang impormasyon na ginagawang sex den ang naturang boarding house na dinarayo pa ng mga parokyano

May ilan din umanong menor de edad ang ibinubugaw sa lugar at napipilitan lamang sila dahil sa pagkakautang nila sa may-ari ng boarding house na sinalakay .

Natuklasang matagal na umano ang operasyon ng grupo na hinihinalang nagsimula noong pagpasok ng pandemya

Nakuha sa mga pinaghihinalaan ang tatlong P1,000.00 bill na ginamit sa operasyon at dalawang genuine P1,000.00 bill na pinaniniwalaang nagmula sa kanilang ilegal na transaksyon kabilang ang isang record book, at puting Toyota van na ginagamit na service sa kanilang transaction .

Tuluyan na ring ipinasara ng mga otoridad ang boarding house na ginawang sex den .

Mahaharap sa paglabag sa Republic Act 9208 ( Anti Trafficking In Persons Act of 2003) ang mga suspect na nasa kostodiya na ng Bayombong Police Station habang naipasakamay na rin sa MSWD ang mga na-rescue na kababaihan.