Sinusuportahan ng mga eksperto sa kalusugan ang panukala na magdaos ng National Immunization Day para sa COVID-19 ngayong buwan.
Ito ay upang higit pang mapalawak ang saklaw ng bakuna laban sa coronavirus.
Sinabi ni Dr. Ted Herbosa, adviser ng National Task Force Against COVID-19, na iminungkahi ng Philippine Medical Association ang nasabing plano katulad ng immunization day program ng gobyerno para sa tigdas at polio kung saan dinadala ang mga kailangang bakunahan sa vaccination center.
Aniya, plano itong gawin sa kalagitnaan ng Nobyembre kung saan pinagpipilian pa ang exact date kung November 22, 23 o 24 o pwedeng tatlong araw na sunod-sunod na National Vaccination Day para hindi lang isang araw at para maubos na rin ang stockpile sa cold storage na mga bakuna.
Dagdag pa ni Herbosa na ang programa ay naglalayong mabakunahan ang humigit-kumulang limang milyon bawat araw.
Ang panukala naman ay makakatulong sa gobyerno na mabakunahan ang 12.7 milyong kabataan at kalaunan ay magbibigay-daan para sa pagbubukas ng face-to-face classes sa mga unibersidad, kolehiyo at senior high school.