-- Advertisements --

Magpapatuloy ang 3-day program ng mga tagasuporta ni Vice President Sara Duterte sa EDSA Shrine hanggang bukas, araw ng Huwebes, Nobiyembre 28.

Ito ay para ipakita ang kanilang suporta sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa matapos ihayag ni VP Sara na may kinausap na siyang indibidwal para patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mamatay.

Sa nakalipas na magdamag, namalagi ang aabot sa 300 Duterte supporter na nagtipun-tipon sa shrine simula kahapon, araw ng Martes kung saan nagdasal at nagbahagi ang mga ito ng kanilang mga sentimiyento kabilang na ang mga panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang tugunan ang mataas na presyo ng pagkain at iba pang mga isyu sa korupsiyon.

Natapos ang programa umaga ngayong Miyerkules subalit ilang tagasuporta ang mananatili pa rin sa shrine hanggang bukas.

Ayon naman sa Philippine National Police (PNP), generally peaceful ang pagtitipon ng mga supporter.

Nauna naman ng nagpaalala ang rector ng EDSA Shrine sa mga indibidwal na naroon sa lugar na obserbahan ang proper decorum at iwasan ang pagkain, pag-inom, pagbitbit ng slogans, pagsigaw, paggawa ng ingay, vlogging at iba pa habang nasa loob ng shrine dahil ito ay sagrado.

Ang EDSA shrine nga ay may mahalagang papel sa mapayapa at bloodless na People Power Revolution na nagpatalsik sa noo’y diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.