Bakas ang pagiging “in good spirits” ni Clémence Botino ng France matapos na makahabol sa pagsisimula ng rehearsals para sa 70th Miss Universe coronation.
Nabatid na 10 araw nag-quarantine ang 24-year-old French beauty queen matapos tamaan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at nakarekober naman sa virus.
Sa mga nakalipas na online post ni Botino, dokumentado nito ang mula sa pagiging emosyonal nang malaman na siya nagpositibo sa COVID-19 gayundin ang unti-unting paggaan ng kanyang pakiramdam sa pagdaan ng mga araw.
Kanya aniyang natutunan na dapat ay makuha pa ring ngumiti anoman ang maging pagsubok sa buhay at namnamin ang lahat ng pakiramdam mapa-good o bad mood man.
Nabatid na kabilang na rin siya sa official Twitter page ng Miss Universe kung saan nakasaad sa kanyang video clip na siya ay fashion lover at women’s health volunteer.
Naka-bonding na rin niya ang ilang Miss Universe candidates, base sa kanyang “IG” story.
Nitong Nobyembre 29 nang aminin nito na wala siyang tigil sa pag-iyak nang malaman ang resulta ng COVID-19 test sa kanya dahil tila malabo na ang posibilidad na makalahok siya sa prestihiyosong pageant.
Tila nawala raw ang kanyang pagiging matapang lalo’t nasa Israel na siya bilang kinatawan ng France kaya malayo sa kanyang pamilya.
Gayunman, pipilitin daw niya na magpakatatag pa rin kasabay ng paalala sa lahat na huwag magpakampante dahil hindi pa natatapos ang pag-aligid ng virus.
Nabatid na kabilang ang The Jerusalem Post sa mga media outlet sa Israel na naglabas ng ulat tungkol sa pagdadala kay Botino sa isang government isolation hotel para hindi siya makahawa.
Sa panig ng Miss Universe Organization, fully vaccinated umano si Miss France bago ito bumiyahe at nagpositibo na lamang sa COVID-19 nang dumating sa host country.
Dahil dito, pinayuhan ang kanyang mga nakasalamuhang kandidata na mag-isolate para makatiyak na hindi sila nahawa.