Naka-quarantine na ngayon sa Negros Occidental ang tatlong pasahero na nanggaling sa South Africa dahil sa banta ng Omicron variant ng COVID-19.
Ayon sa provincial government ng Negros Occidental ang tatlong dayuhan ay mga consultant ng isang electric company ng probinsiya.
Dalawa sa mga dayuhan ay dumating sa Ninoy Aquino International Ariport noong Nobyembre 24 at sila ay nagtungo sa Negros Occidental matapos ang isang araw.
Habang ang pangatlong dayuhan ay dumating sa bansa noong Nobyembre 26.
Ayon kay Rayfrano Diaz II ang provincial administrator ng Negros Occidental, agad nilang natunton ang mga dayuhan dahil na rin sa kautusan ng Department of Health.
Hindi aniya umalis ang mga ito sa kanilang bahay pagdating sa nasabing probinsiya.
Dumiretso aniya ang mga ito sa kanilang staff house at hindi na nakapagsalamuha sa ibang tao.
Sumailalim na ang mga ito sa RT-PCR test habang nagsasagawa na ng contact tracing ang mga otoridad.