Dinampot ng pulisya ang isang lalaki at dalawang babae matapos mahuling may mga droga sa loob ng kanilang apartelle sa Barangay San Isidro, lungsod ng Makati.
Ayon kay Makati City Police chief, P/Col. Rogelio Simon, rumoronda ang isang pulis nang mapansin nito sa kanto ng Rockerfeller at Batangas Street ang isang nakabisikletang lalaki na may inabot sa isa pang lalaki.
Nang lumapit ang pulis sa dalawang lalaki, nagulat ang mga ito kaya nalaglag sa kalsada ang isang sachet ng hinihinalang shabu.
Matapos nito ay agad na nagtakbuhan ang dalawa at hinabol ng pulis ang isa na pumasok naman sa isang apartelle.
Naabutan ng pulis ang nasabing lalaki at nahuli pa ang dalawang kababaihan na umano’y nagre-repack ng shabu.
Nasabat sa mga suspek ang 43 hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P50,000.