Napabagsak ng air defense system ng Iran ang 3 maliliit na drones na inilunsad sa may central city ng Isfhan na lokasyon ng military sites ng Iran.
Ito ay ilang oras lamang matapos iulat ng US officials na tumama ang missile strike ng Israel sa isang site sa Iran.
Subalit ayon sa state media ng Iran, walang inilunsad na pag-atake sa Iran mula sa labas ng bansa kaya’t pinaniniwalaang ang naturang pag-atake na gumamit ng maliit na quadcopters ay nagmula sa loob ng Iran.
Ang lokasyon ng pag-atake ay sa Isfahan province na isang Iranian military airbase na pagmamay-ari ng Iran army at hindi ng Revolutionary Guards. Tahanan din ang naturang military base ng multiple squadrons ng F-14 Toncat fighter aircraft.
Ayon pa sa local media ng Iran, maliban sa pag-activate ng air defense system, sinuspendi na rin ang mga flight sa iba’t ibang lugar kabilang sa Tehran at Isfahan.
Muli namang binuksan ang airspace ng apat at kalahating oras makalipas ang insidente at walang naiulat na casualties.
Ayon kay Secon Brigadier General Siavish Mihandoust, top military official ng Iran, na tinamaan ng kanilang air defense batteries ang kahina-hinalang object na pumasok sa kanilang airspace at wala naman itong naitalang pinsala.
Matatandaan na una ng nangako ang Israel na gaganti ito ng pag-atake sa Iran matapos ang inilunsad na ilang serye ng drone at missile attack sa Israel.