ROXAS CITY – Arestado ang tatlong drug suspek na sakay sa delivery trak ng manok sa isinagawang drug buy bust operation sa national highway sa Brgy. Bolo, lungsod ng Roxas, Capiz.
Kinilala ang mga mga drug personalities na sina Froilan Magno 27, ng Barangay San Jose, Roxas City, drug surrenderee at subject ng operasyon; driver ng trak na si Arnel Polendey 42, ng Barangay Badiangon, President Roxas; at Franklin Calinao, 27, ng Barangay Bolo, Roxas City.
Nabatid na mahigit isang linggo ang monitoring sa iligal na aktibidad ni Magno bago isinagawa ang operasyon ng mga pulis.
Sa interview ng Bombo Radyo kay Magno ay inamin niyang gumagamit pa rin ito ng iligal na droga kahit na sumuko ito sa Oplan Tokhang ng mga pulis, ngunit mariing pinasinungalingan na nagtutulak ito ng shabu.
Ayon naman sa driver ng trak na si Polendey, wala itong ideya sa iligal na aktibidad na kinasasangkutan ni Magno.
Ikinagulat na lamang nito ng makitang hinahabol sila ng isang pribadong sasakyan.
Sa pag-aakalang emergency ay tumabi ito sa kalsada ngunit nagtaka ng biglang huminto ang sasakyan at lumabas ang mga pulis.
Narekober naman ang 12 sachet ng shabu, P500 na marked money, sling bag at trak na sinakyan ng tatlong mga suspek.