Pinamamadali na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa liderato ng Senado ang pagpasa bilang batas sa tatlong panukalang batas na nakikita nitong makakaambag sa ekonomiya ng bansa.
Sa liham ni Pangulong Duterte ngayong araw kay Senate President Tito Sotto, sinertipika nito bilang urgent bills ang Senate Bill No. 1754 o ang batas na nag-aamyenda sa Commonwealth Act 146, Senate Bill No. 2102 o ang batas na nag-aamyenda naman sa Foreign Investments Act, at ang Senate Bill No. 1639 o nagbabago sa Retail Trade Liberalization Act.
Sinabi ni Pangulong Duterte, kaya nais niyang ipasa agad ang naturang mga panukala ay para agad magkaroon ng reporma sa mga polisiya ng gobyerno pagdating sa foreign investments.
Ayon kay Pangulong Duterte, layunin din nitong magkaroon ng mas magandang environment para sa mga mamumuhunan sa bansa upang lumakas ang kompetisyon at dumami pa ang maaaring mabuong trabaho.
Samantala, naipasa na ang bersyon ng tatlong panukalang batas sa Kamara.