NAGA CITY – Patuloy ang search and retreival operation ng mga otoridad sa tatlong mag-aaral na tinangay ng malakas na alon habang naliligo sa karagatan na sakop ng Mulanay, Quezon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Maj. Joselito Haraja, sinabi nito naghihintay ng klase ang mga biktima nang maisipang maligo sa karagatan na malapit lamang sa kanilang pinapasukan.
Ayon kay Haraja, anim lahat ang nagtungo sa gitna ng dagat kung saan isa sa mga ito ang agad na nakaahon na siyang nakahingi ng tulong.
Kaagad naman aniyang nasagip ang dalawa pa nitong mga kasama, habang nawawala pa rin ang tatlong 15-anyos na sina Edgar Paz Devilla at kambal na sina Jamewill Ciriso Buesan at Jaymar Ciriso Buesan.
Sa ngayon, nanawagan na rin ang opisyal sa mga karatig na bayan na agad na makipag-ugnayan sa kanila sakaling mapapad sa kanilang lugar ang mga nawawalang estudyante.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng opisyal ang mga mag-aaral na iwasan munang maligo sa karagatan dahil sa masamang lagay ng panahon.