-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nagtamo ng sunog sa katawan ang tatlong mga mag-aaral ng National High School sa Awao, Monkayo Davao de Oro, matapos pumalya ang ginagawang experiment sa science laboratory kahapon, dakong alas-11:28 ng tanghali.

Ayon sa principal na si Horacio Lacia, nagsagawa ng science experiment ang adviser ng mga mag-aaral kasama ang tatlong biktima kung saan tinatawag na “Water Cycle” ang kabilang sa kanilang aralin.

Ngunit bigla na lang nilamon ng apoy ang isa sa mga sangkap ng experiment na Flying Tiger Denatured Alcohol.

Napag-alamang ang naturang chemical ay siyang ginagamit na fuel ng lighter at gamit din sa industrial na isang inflammable material.

Posible umanong mataas ang combustible content sa nasabing sangkap kung kaya’t mabilis nilamon ng apoy na siyang dahilan ng pagkasunog ng ilang bahagi ng katawan ng tatlong mga mag-aaral.

Kaagad namang dinala sa Montevista Provincial Hospital ang mga estudyante na kasalukuyan ngayong nagpapagaling.