-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kinondena ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang social experiment ng tatlong Grade 12 students ng isang eskwelahan sa lungsod ng Iloilo.

Ito ay kasunod nang pag-viral ng mga litrato kung saan makikita ang tatlong estudyante na nakatapis lamang at suot ang tuwalya habang pumipila sa isang fast food chain sa isang mall sa Mandurriao, Iloilo City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Treñas, sinabi nito na hindi niya nagustuhan ang ginawang social experiment ng tatlong estudyante.

Ayon kay Treñas, nadismaya rin siya sa professor na nagbigay ng nasabing social experiment sa tatlong Grade 12 students.

Inihayag rin ni Treñas na mas mainam na ang professor muna ang gumawa ng nasabing social experiment upang siya mismo ang makaalam kung makakaya niya itong gawin sa harap ng maraming tao.

Dahil dito, ipinauubaya na lang ng alkalde kay Mr. Nestor Canong, pinuno ng Task Force on Moral and Values Formation ang tungkol sa nasabing isyu at hindi na niya gusto na maulit pa ang pangyayari.