-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Tatlong miyembro ng teroristang grupo ang nasawi makaraang makipag bakbakan sa mga magigiting na tropa ng gobyerno mula sa 7th Infantry (Tapat) Battalion sa Sitio Isuko, Banali, Senator Ninoy Aquino sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Ayon kay Lieutenant Colonel Frederick Chicote, Commanding Officer ng 7IB, agad na tumugon ang kanyang mga tauhan hinggil sa presensya ng armadong pangkat sa nasabing lugar. “Eusevio Cranzo Tabunaway alias Ben or Brix, a member of Regional Tax Implementing Group (RTIG) of the weakened terrorist group was conducting foraging activities thereat,” wika ni Lt. Col. Chicote.

Mabilis namang tinungo ng mga operating troops ng 7IB ang lugar at nakasagupa ng mga kasundaluhan ang pangkat ng mga teroristang grupo at tumagal ng sampung minuto ang bakbakan.

Tatlong miyembro ng teroristang grupo ang nakitang nakabulagta matapos ang nasabing engkwentro. Nasabat naman ng tropa ng militar ang tatlong M16 rifles, isang M653 rifle, 13 long magasin, 330 rounds ng 5.56mm ammo, dalawang granada, limang bandolyer, apat na backpack, at mga subersibong dokumento. Bukod pa rito ang mga personal na gamit, pagkain, IDs, at iba pa.

Kaugnay nito, agad namang inatasan ni Brigadier General Michael Santos, Commander ng 603rd Brigade, ang lahat ng mga yunit nito na maging alerto at tugisin ang ilan pang natitirang rebeldeng grupo.

Pinuri naman ni Major General Alex S. Rillera, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang kagitingan ng mga sundalo ng 7IB sa kanilang determinasyon na protektahan ang mga mamamayan laban sa mga komunistang terorista.

“For a couple of times, we have been calling the remnants of this terrorist group to lay down their arms and go back to the folds of the law to avoid circumstances like this, but some are not heeding it.” “We will continue to work tirelessly to eliminate this threat and restore peace and stability in the entire Sultan Kudarat Province,” pahayag ni Maj. Gen. Rillera.

Ito na ang ikasiyam na insidente ng pagkamatay ng mga rebeldeng komunista mula buwan ng Enero hanggang kasalukuyan. Matatandaang nitong ika-26 ng Pebrero, isa ring rebelde ang nasawi na nakuhaan ng dalawang M14 rifles at isang M16 rifle matapos na makaengkwentro ang tropa ng 37IB sa Sitio Lantong, Barangay Sangay, Kalamansig, Sultan Kudarat. Sa mga naturang engkwentro ay walang nasaktan sa tropa ng militar. Tunay ngang sumasalamin ito sa determinasyon ng pamahalaan na wakasan ang kaguluhan at itaguyod ang kapayapaan sa bansa.(Bombo Garry Fuerzas)