BUTUAN CITY – Tatlong mga FM radio stations nitong lungsod ng Butuan ang isinara ng lokal na pamahalaan dahil sa kakulangan ng mga rekisitos upang legal na makapag-o-operate.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Atty. Moshi Ariel Cahoy, ang hepe ng Business Permits ang Licenses Division, kasama sa kanilang isinara ay ang Bai FM, BeeTV Bee FM ng Northern Mindanao Broadcasting System (NMBS) at ang Radyo Trumpeta.
Ayon sa opisyal, wala umanong business permit ang Bai FM habang ang Radyo Trumpeta ay hindi nakapag-renew ng kanilang business permit simula nitong Enero ngayong taon kung kaya’t na-isyuhan sila ng notice of violation nito lang Hunyo.
Maliban dito’y expired naman ang kanilang congressional franchise kung kaya’t hindi nabigyan ng permit to operate habang ang BeeTV Bee FM ay matagal na ring expired ang kanilang business permit at ito ngayon ang kanilang inaasikaso.