-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Paiimbestigahan umano ni Mayor Joan Dunuan ng Baggao, Cagayan, ang mga pangalang sinabi ng tatlong forest rangers na na-trap sa kagubatan ng Barangay Sta. Margarita matapos silang paputukan ng mga umano’y illegal loggers.

Ayon kay Dunuan, ang mga binanggit na pangalan ay sinasabing may koneksyon sa Community Environment and Natural Resources Office o CENRO sa Alcala, Cagayan.

Ayon pa sa alkalde, pumunta sa kabundukan ang mga forest rangers para magsagawa ng monitoring laban sa illegal logging nang sila ay paputukan.

Tumakbo ang mga ito at nagtago hanggang sa ma-rescue sila ng mga pulis at marines kagabi.

Idinagdag ni Dunuan na may nakita raw na maraming pinutol na punong-kahoy at may mga narinig na chainsaw.

Napatunayan din aniya ito ng mga nagligtas sa mga forest rangers dahil tumambad sa kanila ang mga pinutol na punong-kahoy.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na s Mayor Dunuan sa mga kinauukulan kung ano ang dapat gawin dito.

Kaugnay nito, dinagdagan niya ang forest rangers sa kanilang lugar na ngayon ay mayroon nang 13 upang mabantayan ang kabundukan ng Baggao mula sa mga illegal loggers.

Ito raw ay bahagi ng kanyang kampanya na makapagtanim ng isang bilyong punongkahoy sa Baggao para mapalitan ng “green” ang mga brown forest na bunga na rin ng walang habas na pamumutol ng punong-kahoy.