NAGA CITY – Pinatawag agad ng pamunuan ng Camarines Sur National High School sa Naga City ang mga magulang ng tatlong Grade 9 students sa paghithit umano ng marijuana.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa hindi nagpakilalang security guard na nakahuli sa mga mag-aaral, sinabi nitong maaga siyang nag-ikot sa paaralan ng makasalubong niya ang dalawa sa mga ito mula sa palikuran.
Pagtapat niya mismo umano sa comfort room (CR) nakita niya ang isa pang lalaking estudyante sa dulo nito na parang may itinatago at tila nagulat pa nang makita siya.
At nang papalapit na umano ang guwardiya ay sinubukan pang tumakas ng binatilyo na ayon sa guwardiya ay kita pa ang usok sa loob ng palikuran at amoy na amoy pa umano ito ng marijuana.
Agad na dinala ng guwardiya sa principal’s office ang nasabing mag-aaral kung saan narekober pa rito ang dahon ng marijuana na nakaipit sa dalawang maliit na papel na nakalagay sa kaniyang wallet.
Dahil sa pangyayari pinulong ng pamunuan ang mga magulang ng sangkot na mag-aaral kasama ang ilang representante mula sa Department of Justice (DoJ) at City Social Welfare Development (CSWD) para sa kaukulang disposisyon.
Napag-alamang ito na ang pangalawang pagkakataon na may nahuling mga mag-aaral sa nasabing paaralan sa kaparehong insidente.